Bukas na sa publiko ang mga libreng screening ng mga pelikulang Pranses na tampok sa 29th French Film Festival na ginaganap sa SM City Manila at SM Aura sa Taguig City.
Ayon sa Embahada ng France sa Pilipinas, libre ang lahat ng screening sa kabuuan ng festival ngunit limitado lamang ang bilang ng mga upuan at ipamamahaging mga tickets. First come, first served basis ang sistemang ipapatupad para sa mga nais makapanood.
Isang ticket lamang ang maaaring kunin ng bawat manonood kada screening. Magbubukas naman ang ticket counters dalawang oras bago ang palabas sa SM City Manila at isang oras naman bago ang screening sa SM Aura.
May nakalaan ding priority lane para sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs).
Pinaalalahanan naman ang mga manonood na sundin ang age restrictions ng bawat pelikula. Ipinagbabawal din ang pagkuha ng litrato at video habang isinasagawa ang screening.
Para sa kumpletong iskedyul ng mga pelikula at iba pang patakaran sa pagpasok, hinihikayat ang publiko na bisitahin ang opisyal na social media pages ng Embahada ng France sa Pilipinas.
Gaganapin ang libreng screening hanggang sa ika-15 ng Nobyembre.