Maaari nang malaman ng mga kawani ng pamahalaan kung nasaang yugto na ang pagproseso ng kanilang 2024 Performance-Based Bonus (PBB) sa pamamagitan ng online tracker na inilunsad ng Department of Budget and Management (DBM).
Saklaw ng naturang tracker ang 315 ahensya ng gobyerno at naglalaman ng impormasyon hinggil sa compliance at pagsusumite ng mga dokumento, evaluation at processing status, mga nakabinbing requirements, at paglalabas ng pondo.
Ayon sa DBM, hindi agad naipoproseso ang lahat ng kahilingan para sa PBB dahil kailangan munang isumite, suriin at beripikahin ang mga kinakailangang dokumento bago makarating sa ahensya ang funding request.
Makikita rin sa tracker ang pinakahuling beripikadong update at ang susunod na hakbang na kailangang gawin ng bawat ahensya.
Maaaring tingnan ang status ng inyong ahensya ukol sa PBB sa pamamagitan ng link na bit.ly/DBM_PBBTracker.