Photo courtesy of US Embassy in the Philippines
Nilinaw ng Estados Unidos na walang nakatakdang anunsyo hinggil sa pagtatatag ng Pax Silica Economic Security Zone sa Pilipinas sa panahon o pagkatapos ng ASEAN Leaders’ Summit na gaganapin ngayong buwan sa Maynila.
Sa pahayag ni U.S. Ambassador to the Philippines Lee Lipton, sinabi nitong hindi kailanman nakaplano ang naturang anunsyo.
Binigyang-diin din ni Lipton na isasagawa ang mga kaukulang desisyon matapos ang masusing konsultasyon sa pamahalaan ng Pilipinas, kabilang ang pagtalakay sa posibleng epekto nito sa lahat ng sektor at stakeholder.
Gayunman, nagpahayag ang Estados Unidos ng kahandaang makipagtulungan sa pamahalaang Pilipino upang maisulong ang naturang inisyatiba.
Layunin ng Pax Silica na palakasin ang seguridad ng supply chains at makahikayat ng de-kalidad na pamumuhunan na inaasahang makatutulong sa paglago ng ekonomiya at paglikha ng trabaho sa bansa.
Sa ngayon, wala pang pinal na desisyon o anunsyo tungkol sa pagtatatag ng economic security zone, habang nagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng dalawang bansa.