Sinusuportahan ng Bureau of Immigration (BI) ang panukalang palawakin ang paggamit ng electronic immigration gates o e-Gates sa lahat ng dumarating at umaalis na pasahero sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA upang mapabilis ang immigration processing at mabawasan ang mahabang pila.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, bahagi ito ng modernization program ng ahensya at pagsusulong ng digitalization sa mga serbisyo ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng e-Gates, maaaring dumiretso sa automated immigration screening ang mga pasaherong pumasa sa biometric verification. Gayunman, ang mga mapipiling sumailalim sa karagdagang pagsusuri ay daraan pa rin sa immigration officers.
Samantala, natapos na ng BI ang unang yugto ng pagpapalawak at pag-upgrade ng e-Gates sa mga paliparan sa Clark, Cebu at Davao.
Kabilang din sa proyekto ang Automated Biometric Identification System o ABIS na tutulong sa pagtukoy ng posibleng passport fraud at mga indibidwal na may kahina-hinalang pagkakakilanlan.
Kasalukuyan namang sumasailalim sa procurement ang ikalawang yugto ng proyekto para madagdagan pa ang mga paliparang magkakaroon ng e-Gates sa mga lalawigan.