Bilang isa sa mga host city ng 2026 ASEAN Summit, bumisita sa Marikina City ang delegasyong dumalo sa 36th ASEAN Socio-Cultural Community (ASCC) Council Meeting at personal na nasaksihan ang mayamang kultura ng lungsod at matagal na nitong estado bilang Shoe Capital of the Philippines.
Pormal na binuksan noong Biyernes (Nobyembre 6) ang 36th ASEAN Socio-Cultural Community (ASCC) Council Meeting bilang bahagi ng mga aktibidad ng 2026 ASEAN Summit.
Sinalubong nina Marikina City Mayor Maan Teodoro, 1st District Rep. Marcy Teodoro, at iba pang opisyal ng lungsod ang delegasyon ng ASCC sa isang Lerion Dance, isang tradisyonal na sayaw ng Marikina na nagpapakita ng lokal na kultura at pagiging malikhain ng lungsod.
“We are honored to welcome our fellow ASEAN delegates to Marikina and give them a glimpse of our rich culture, history, and craftsmanship that our people take pride in and what makes our city the Shoe Capital of the Philippines,” ani Mayor Teodoro.
Bilang bahagi ng kanilang pagbisita, nagtungo rin ang delegasyon sa Marikina Shoe Museum na nagtatampok sa kasaysayan ng industriya ng paggawa ng sapatos sa lungsod at sa malawak nitong koleksiyon ng mga sapatos, kabilang ang mga isinuot ng mga kilalang personalidad.
Nagsagawa rin ng experiential tour ang grupo kasama ang mga lokal na tagagawa ng sapatos upang personal nilang masaksihan ang husay, kasanayan, at pagkamalikhain na siyang haligi ng industriya ng sapatos sa Marikina.
“Hosting the ASEAN delegates provides Marikina’s shoe industry with a platform to showcase its products and craftsmanship to a wider international audience, while creating greater appreciation for Filipino-made products and the skills of our local shoemakers,” wika ni Rep. Teodoro. Kabilang sa ASCC delegation ang mga kinatawan mula Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand, Timor-Leste, at Vietnam, gayundin ang isang kinatawan mula sa ASEAN Secretariat.