Nagpasalamat ang isang ama kay Senador Bam Aquino sa pagsusulong nito ng isang beses na P25,000 na tulong-pinansyal para sa mga gastusin sa Related Learning Experience (RLE), na kasalukuyang ibinibigay sa 19,000 kwalipikadong nursing at allied health sciences students sa buong bansa.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Phang Rick Esmael ang liham mula sa Commission on Higher Education (CHED) Regional Office XII na nagpapabatid sa kanyang anak na si Datu Yhusep Esmael na napili ito bilang benepisyaryo ng CHED-Allied Health Experiential Assistance for Deserving Students (AHEAD) Grant.
Kumukuha ng Bachelor of Science in Medical Technology/Medical Laboratory Science si Datu Yhusep sa Sultan Kudarat State University.
“Thanks again, Senator Bam Aquino! Alhamdulillah!” wika ng tatay.
“Congratulations, Yhusep! Sana’y makatulong ang AHEAD Grant ng CHED sa iyong RLE expenses para maipagpatuloy mo ang iyong pag-aaral at maabot ang iyong mga pangarap,” tugon naman ni Aquino sa post ng ama.
“Thank you so much, Senator Bam Aquino, for the reply and the congratulations! I am deeply grateful for the support and for the CHED AHEAD Grant that will help me with my studies. Maraming salamat po! ” sagot naman ni Esmael.
Sa ilalim ng programa, makatatanggap ang mga kwalipikadong estudyante ng isang beses na tulong-pinansyal na P25,000 upang makatulong sa pagsagot sa mga gastusing may kaugnayan sa RLE.
Inaasahang makikinabang sa P500-milyong AHEAD Grant ang 19,000 nursing at allied health sciences students.
“Thank u po senator Bam Aquino, nakapasa po anak ko sa Ahead at sa Nov .13 po apasa na nila Ang mga requerments nila sa Taga region malaking tulong po ito para pambayad sa RLe Ng anak ko,” wika ng isang netizen.
Bilang principal sponsor ng Free College Law, itinulak ni Aquino ang paglalaan ng P500-milyong tulong para sa RLE sa 2026 national budget upang maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga nursing at allied health students na kailangang kumpletuhin ang kanilang clinical duties, hospital training, at iba pang praktikal na requirements bago makapagtapos.
Bilang katuparan ng kanyang pangako sa nursing at allied health students, isinulong din niya ang pagsama ng mga bayarin para sa internship at RLE sa pinalawak na saklaw ng Tertiary Education Subsidy (TES) sa ilalim ng Republic Act No. 12325, na isa siya sa may akda. Sa pagdinig sa budget ng CHED, hinimok ni Aquino ang ahensya na tukuyin nang malinaw kung ilan ang mga estudyanteng nangangailangan ng tulong para sa RLE at internship, alamin ang kinakailangang pondo, at tiyaking maibibigay sa tamang panahon ang tulong-pinansyal sa mga benepisyaryo.