Hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga parokya sa ilalim ng Archdiocese of Manila na magsagawa ng sama-samang panalangin para sa pag-ulan, kasunod ng banta ng matinding El Niño phenomenon na maaaring magdulot ng matagal na tagtuyot at kakulangan sa suplay ng tubig.
Sa isang pastoral instruction, iniutos ni Cardinal Advincula ang pagdarasal ng Oratio Imperata ad Petendam Pluviam o panalanging humihiling ng ulan sa lahat ng arawang misa simula Nobyembre 8 ngayong taon, hanggang sa maglabas ng abiso na ititigil na ang nasabing panalangin.
Kasunod ito ng pangamba sa posibleng epekto ng El Niño, partikular sa mga mahihirap at bulnerableng komunidad na higit na maaapektuhan ng tagtuyot.
Hinimok din ng Cardinal ang mga pari, katekista at religious educators na palalimin ang kamalayan ng mga mananampalataya sa pangangalaga sa kalikasan, pagtitipid sa tubig at responsableng paggamit ng likas na yaman.
Binigyang-diin ni Cardinal Advincula na hindi lamang dapat mauwi sa panalangin ang pagtugon sa banta ng El Niño, kundi dapat itong samahan ng konkretong pagkilos bilang bahagi ng pananagutang pangalagaan ang kalikasan at kapwa.