Photo courtesy of DOE
Pinalalakas ng Department of Energy (DOE) ang pagsusulong ng episyenteng paggamit at pagtitipid ng kuryente sa mga ahensiya ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagsasanay sa pagbuo ng kani-kanilang Energy Efficiency and Conservation Plans.
Nagsagawa ang DOE ng tatlong araw na capacity-building workshop sa Tagaytay City na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa walong ahensiyang kabilang sa Inter-Agency Energy Efficiency and Conservation Committee.
Tinalakay sa pagsasanay ang pagsusuri sa konsumo ng enerhiya, pagtatakda ng mga target sa pagtitipid ng kuryente, at pagbuo ng mga hakbang na angkop sa bawat ahensiya.
Kabilang din sa mga pinag-aralan ang paggamit ng energy-efficient technologies, solar power systems, episyenteng pagbili ng kuryente, at paggamit ng electric vehicles upang mapababa ang gastusin sa enerhiya.
Bahagi ito ng pagpapatupad ng Energy Efficiency and Conservation Act at Government Energy Management Program, kung saan inaasahang mangunguna ang mga ahensiya ng pamahalaan sa responsableng paggamit ng enerhiya at pangangalaga sa pondo ng bayan.