Mayroon pang 518 na mga pamilya o katumbas ng 1,717 na mga indibidwal ang nananatili sa evacuation centers sa Albay dahil sa pangamba kasunod ng muling pag-alburoto ng Bulkang Mayon.
Sa ngayon, bukod sa sapat na suplay ng pagkain, tinitiyak din ng DSWD na mayroong sapat ng malinis na tubig sa mga evacuation center.
Sa pagbisita ni DSWD Bicol Regional Dir. Norman S. Laurio sa evacuation center sa Barangay Buang, Tabaco City, ininspeksyunin nito ang suplay ng tubig, pansamantalang kusina, at iba pang pasilidad para sa mga lumikas.
Una na ring nagsagawa ng monitoring ang DSWD Bicol at United Nations Population Fund (UNFPA) sa walong evacuation center sa Albay para suriin ang mga pasilidad, at iba pang serbisyong kailangan ng mga evacuee, lalo na ng mga bata, kababaihan, at iba pang vulnerable population.
Tiniyak naman ng DSWD, na magpapatuloy ang monitoring at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan para maihatid ang kinakailangang tulong at mapangalagaan ang kalusugan, kaligtasan at kapakanan ng mga pamilyang apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
