Nananatili ang commitment ng Philippine National Police (PNP) na ipagpatuloy ang agresibong kampaniya nito kontra sa Communist Terrorist Groups at pigilan ang kanilang pagbabalik o pagpapalakas ng puwersa
Ito ang inihayag ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. matapos ang ika-10 pagpupulong ng Executive Committee ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Tinalakay sa pagpupulong ang mga inisyatiba ng pamahalaan upang palakasin ang kapayapaan at katatagan sa mga komunidad, partikular na sa mga lugar na apektado ng armadong tunggalian.
Tiniyak ni Nartatez sa publiko, na nakatuon ang PNP na unahan ang mga armadong rebelde sa pamamagitan ng pag-aangkop ng kanilang mga estratehiya sa nagbabagong pamamaraan ng mga ito.
Nakikipag-ugnayan ang PNP sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagsasagawa ng mga operasyon laban sa mga rebelde sa mga lugar kung saan namataan ang kanilang presensya.
Pagmamalaki ng PNP, naging matagumpay ang anti-insurgency campaign ng pamahalaan at kailangang ipagpatuloy ito upang hindi mabigyan ng pagkakataon ang mga rebelde na makapagpalakas muli ng puwersa.