Bilang bahagi ng patuloy na pangako ng pamahalaan na isulong ang pag-unlad sa sektor ng agrikultura, opisyal nang ipinasakamay ng National Irrigation Administration (NIA) Region 1 ang rehabilitated na Pacalat Communal Irrigation System sa mga magsasaka ng Mangatarem, Pangasinan.
Isinagawa ito sa pamamagitan ng isang turn-over at signing ceremony, November 5, 2026, na hudyat ng pagpapasakamay ng pamamahala sa pasilidad sa Seven Barangays of Mangatarem Irrigators Association, Inc.
Bago ito ipinasakamay sa asosasyon, isinailalim muna sa rehabilitasyon ang pasilidad sa pamamagitan ng proyektong may pondong 80 milyong piso.
Kabilang sa mga isinagawang trabaho ang rehabilitasyon at modification ng Diversion Dam, installation ng Sluice at Intake Gates, at konstruksyon ng Canal Lining at iba pang kaugnay na estruktura.
Ayon kay NIA Administrator Eduardo “Eddie” Guillen, isinusulong ng ahensiya ang pagiging climate-resilient ng mga pasilidad upang matiyak na matutugunan ng mga ito ang mga hamong kinakaharap ng sektor ng agrikultura, partikular na ang epekto ng pabago-bagong panahon.
Dahil sa isinagawang rehabilitasyon, napaglilingkuran na ng pasilidad ang kabuoang 600 ektarya ng lupang sakahan at nakikinabang dito ang 616 na magsasaka mula sa pitong barangay ng Mangatarem.
Binigyang-diin naman ni NIA Ilocos Regional Manager Engr. Geffrey Catulin na hindi lamang suplay ng tubig para sa sakahan ang hatid ng pasilidad, kundi maging oportunidad upang mapalakas ang produksyon at mapataas ang ani ng mga magsasaka.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si SBM IA President Virgilio Dancel Jr. sa pamahalaan para sa proyektong aniya ay malaking pakinabang sa mga magsasaka.
Dagdag pa niya, ipinakikita ng proyekto na patuloy na kinikilala at sinusuportahan ng pamahalaan ang pangangailangan ng sektor ng agrikultura.
Samantala, tiniyak naman ng NIA ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka partikular na sa banta ng very strong El Niño.


