Target ng Department of Agriculture (DA) na mapanatili ang pagbagal ng food inflation, partikular para sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.
Kasunod ito ng naitalang bahagyang pagbagal ng food inflation sa 9.4% para sa bottom 30% ng mga pamilyang may pinakamababang kita nitong buwan ng Oktubre.
Naitala rin ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng isda, gulay at mantika. Gayunman, nananatiling mataas ang inflation sa bigas na nasa 23.6%.
Nakatulong naman sa pagpapabagal ng food inflation ang pagbaba ng presyo ng karne na umabot sa 3.6%.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ipagpapatuloy ng DA ang mga hakbang para mapababa ang gastos sa produksyon at distribusyon ng pagkain.
Kabilang dito ang pagbibigay ng subsidiya sa gasolina at toll fees, financial assistance sa mga magsasaka, mga production inputs at crop insurance, gayundin ang pagpapababa ng taripa sa mahahalagang sangkap ng feeds gaya ng mais.
Palalawakin din aniya ang saklaw ng Benteng Bigas, Meron Na!, ang programang murang bigas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para matulungan ang mga higit na nangangailangang pamilya, kabilang ang mga senior citizen, solo parent at persons with disabilities.