Isinasama ng Department of Education (DepEd) sa mga aktibidad ng higit 35,000 Youth for Environment in Schools Organizations (YES-O) ang mga kampanya sa paghahanda sa El Niño.
Kasabay ito ng pagpapalakas sa Gulayan sa Paaralan Program (GPP) sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa upang isulong ang pagtitipid ng tubig, urban gardening, at paghahanda sa epekto ng pagbabago ng klima.
Ayon ay Education Secretary Sonny Angara, mas pinaiigting ang mga inisyatiba sa mga paaralan upang harapin ang banta ng Super El Niño sa bansa.
Sa ilalim ng pinalakas na Gulayan sa Paaralan Program, bibigyang prayoridad ng mga mag-aaral ang mga pananim na mabilis anihin at matatag sa tagtuyot tulad ng munggo, okra, malunggay, saluyot, alugbati, at kamote.
Dito, matitiyak na mananatiling operational ang mga hardin at patuloy nitong masuportahan ang School-Based Feeding Program (SBFP).
Para sa pagtitipid ng tubig, tutulong ang mga estudyante sa paglalagay ng mga rainwater harvesting system, paggamit ng simpleng drip irrigation techniques at mulching, at pag-iskedyul ng pagdidilig upang mabawasan ang pagsingaw ng tubig o evaporation.
Magpapatupad din ang DepEd ng isang pambansang synchronized tree planting program na nakatutok sa mga katutubong uri ng puno at bakawan na matatag sa tagtuyot.
Nakikipagtulungan ang DepEd sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), mga lokal na pamahalaan (LGUs), at mga non-governmental organization upang matiyak na mananatiling ligtas at sustainable na lugar ang mga paaralan.
