Mariing kinondena ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairperson Bryan Revilla ang napaulat na pagre-recruit sa mga Pilipino na pinangakuan ng trabaho sa Russia ngunit nauwi sa gawaing may kaugnayan sa operasyong militar.
Ayon kay Revilla, nakababahala ang panlilinlang at pagsasamantala sa mga Pilipinong naghahanap lamang ng marangal na trabaho para matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Sinabi ni Revilla na nakikipag-ugnayan na siya sa Department of Migrant Workers upang alamin ang buong sitwasyon at matukoy ang kalagayan ng mga apektadong Pilipino.
Hiniling din niya sa mga kinauukulang ahensya na agad imbestigahan ang mga nasa likod ng mapanlinlang na recruitment scheme at panagutin ang mga ito sa ilalim ng batas.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Revilla ang publiko na tiyaking lehitimo at lisensyado ang recruitment agency, beripikado ang employer, at malinaw ang trabahong inaalok bago pumirma ng kontrata o bumiyahe.
“Hindi dapat samantalahin ng sinuman ang kahirapan at pangangailangan ng ating mga kababayan. Ang mga recruiter na nasa likod ng ganitong mapanlinlang na pamamaraan ay dapat matukoy at panagutin sa ilalim ng batas. Walang puwang sa ating lipunan ang mga taong ginagawang negosyo ang pangarap ng mga Pilipino, lalo na kung buhay at kaligtasan nila ang nakataya,” ani Revilla.