Inihayag ng Malacañang na sama-samang kumikilos ang Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of National Defense (DND), at National Bureau of Investigation (NBI) upang saklolohan ang mga kababayan natin na na-recruit sa ibang bansa para sumabak sa military activities.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ito ay kasunod na rin ng kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na alamin ang kinahinatnan ng ating mga kababayan.
Sinabi ni Castro na alam na ng pamahalaan ang lokasyon ng mga kababayan natin na napangakuan ng construction at cleaning jobs subalit isinabak pala umano sa military training.
Gayunpaman, mas maiging huwag na munang magbanggit ng anomang detalye hinggil dito lalot itinuturing na maselan ang kasalukuyang hakbang para matulungan ang mga Pinoy na ipit ngayon sa sitwasyon.
Ang kalagayan ng ating mga kababayan ay nalantad sa pamamagitan ng viral video kung saan ay kita silang nakasuot ng combat uniforms at mistulang nasa training exercise.