Kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang tapang at malasakit ni Gat. Andres Bonifacio na aniya’y na nagpabuklod sa mga Pilipino para ipaglaban ang kalayaan at mga karapatan nito.
Sa mensahe ng Punong Ehekutibo para sa paggunita sa Bonifacio Day, inihayag nitong ipinakita ng bayani na ang tunay na pagmamahal sa Pilipinas ay nasusukat sa paninindigan at kahandaang magsakripisyo para sa kapwa.
Binigyang-diin din ng Pangulo na ang pagtulong sa mga nangangailangan at paninindigan sa katotohanan ay paraan upang ipagpatuloy ang laban na sinimulan ni Bonifacio.
Hinikayat din ng Pangulong Marcos ang mga Pilipino na pahalagahan ang mga patuloy na naglilingkod sa bayan at nagtatanggol sa karapatan ng mamamayan.
Kasabay nito ay ang pagpapahayag ng pag- asang maisabuhay ng bawat isa ang diwa ng kabayanihan sa pamamagitan ng pagiging mabuting magulang at anak, responsableng mamamayan, at lingkod-bayan na inuuna ang kapakanan ng iba.