Itinutulak ng Akbayan Party-list na maitaas ang kasalukuyang ₱2,000 Personnel Economic Relief Allowance o PERA ng mga kawani ng gobyerno sa ₱8,000 kada buwan.
Ayon kay Akbayan Party-list Representative Chel Diokno, makatutulong ang panukala upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pamasahe, at iba pang pang-araw-araw na gastusin.
Sinabi ni Diokno na hindi na sapat ang kasalukuyang halaga ng PERA upang matugunan ang pangangailangan ng mga empleyado, lalo na ng mga nasa mababang salary grade.
Huling naitaas ang naturang allowance noong 2009 sa ilalim ng Joint Resolution Number 4 ng Kongreso.
Nakasaad sa House Bill 3874 na sasaklawin ng panukala ang mga kawani ng pambansa at lokal na pamahalaan, kabilang ang mga regular, contractual, at casual employees.
Kasama rin sa mga benepisyaryo ang mga military at uniformed personnel, maliban sa mga nakatalaga sa ibang bansa na tumatanggap na ng overseas allowances.
Inihain ni Diokno ang panukala kasama sina Akbayan Representatives Perci Cendaña at Dadah Ismula, at Dinagat Islands Representative Kaka Bag-ao.