Iminungkahi ni Senador Ping Lacson na ayusin ang distribusyon ng mga multi-purpose building ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para mas mapakinabangan din ng mahihirap na bayan ang mga proyektong pinopondohan ng national government.
Sa interpellation sa 2027 DPWH budget, inilahad ni Lacson na mula 2012 hanggang 2026, umabot sa 79,816 ang naipatayo o naitalang multi-purpose buildings sa buong bansa, na nagkakahalaga ng kabuuang P760 billion.
Batay sa datos na ipinakita ng senador, 53,865 o 67.5% ng mga ito ang napunta sa first-class municipalities habang 976 lang o 1.2% ang naitayo sa fifth-class municipalities.
Para naman sa 2027, nasa P40 billion ang inilaan sa multi-purpose buildings sa panukalang budget ng DPWH.
Gayunman, binawasan ito ng Senate Committee on Finance mula sa 2,767 proyekto tungo sa 1,400.
Kinuwestiyon ni Lacson kung bakit patuloy na napupunta ang malaking bahagi ng pondo sa mga lugar na may mas mataas na kita habang napag-iiwanan ang mga mahihirap na bayan.
Kaya naman hiniling niya sa DPWH na muling suriin at i-adjust ang distribusyon ng mga proyekto sa panukalang budget para maitama ang hindi pantay na alokasyon.
Sinabi naman ni Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito, sponsor ng DPWH budget, na pag-aaralan ng ahensya ang pagbibigay-prayoridad sa fourth- at fifth-class municipalities para makatulong ang mga proyektong pang-imprastraktura sa pagpapalago ng kanilang lokal na ekonomiya.