Pinailaw na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Christmas tree sa Malacañang ngayong gabi, hudyat ng pagsisimula ng tradisyunal na Christmas celebration sa Palasyo, sa kabila ng maambon na panahon.
Sa kanyang mensahe, sinabi ng Pangulo na bagama’t marami siyang iniisip na trabaho at mga hamong kinakaharap ng bansa, muling naramdaman niya ang diwa ng Pasko nang dumating sa venue at makita ang mga Christmas display at dekorasyon.
Binigyang-diin ng Pangulo na natatangi ang pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas, kung saan maaga pa lamang, mula Setyembre, ay maririnig na ang mga Christmas carol, habang maraming overseas Filipino workers ang umuuwi ng bansa upang makasama ang kanilang pamilya sa panahon ng Kapaskuhan.
Ayon sa Pangulo, mahalagang pagkakataon ang Pasko upang pansamantalang isantabi ang mga alalahanin, pagkakaiba at hindi pagkakasundo, at muling pagtuunan ang pamilya, pagmamahalan, at pagninilay sa mga pinagdaanan sa nakalipas na taon at mga plano sa susunod na taon.
Kasabay nito, hiniling din ng Pangulo sa mga mambabatas na isaalang-alang ang diwa ng Pasko sa kanilang mga desisyon sa pagtalakay at pag-apruba ng pambansang budget, upang higit na maramdaman ng mga Pilipino ang mga ginagawa ng pamahalaan para sa kanila.
Tampok sa programa ang mga musical performance, kabilang ang Paskong Pinoy: A Christmas Special, Simbang Gabi medley, at Family Celebrations Medley, na tampok sina Christian Bautista, Mark Bautista, Sofronio Vasquez, Elha, Garrett Bolden, Lyka Estrella, Khimo, Jessica Villarubin at iba pa.
Nagtanghal din si Martin Nievera sa Christmas in Manila, habang bahagi rin ng programa ang awarding ceremony para sa mga nagwagi sa Isang Bituin, Isang Mithiin Christmas Tree Year 5 National Parol-Making Competition na naging bahagi si Queen of All Media, Ms. Kris Aquino at anak na si Bimby.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hinikayat ni Marcos ang mga dumalo na samantalahin ang Pasko bilang panahon ng pagpapahinga, pagpapanibago, at pagbabalik-tanaw, kasabay ng pagbati niya ng isang masaya at mapayapang Kapaskuhan at Bagong Taon sa lahat.