Bumaba ng 4.6% ang bilang ng mga batang nakararanas ng pagkaantala sa paglaki o stunting sa 134 na munisipalidad sa bansa mula 2023 hanggang 2025, ayon sa datos ng Department of Health (DOH).
Bahagi ito ng direksyon ng DOH sa ilalim ng Unified National Agenda (UNA) for Health, na naglalayong palakasin ang pagkakaroon ng malusog na paaralan, workplace, at komunidad.
Ayon sa ahensya, pinagtitibay nito ang primary care at local health systems upang maiwasan ang mga sakit at ang paglala ng mga ito.
Target ding palawakin ng DOH ang nutrition-specific at nutrition-sensitive programs sa 235 munisipalidad at 5,936 barangay, para higit na mapabuti ang kalusugan ng mga buntis at bata.
Nakabatay ang mga programang ito sa Local Nutrition Action Plan para sa 2026 hanggang 2028, na nakaayon sa Philippine Plan of Action for Nutrition 2023 hanggang 2028.