Photo courtesy of Presidential Communications Office
Opisyal nang sinimulan ang Christmas season sa Malacañang matapos pasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang taunang Christmas tree lighting ceremony sa Kalayaan Grounds, Malacañang Palace kagabi, Nobyembre 28.
Tampok sa selebrasyon ang mga pagtatanghal ng Filipino artists, kabilang sina Martin Nievera, Christian Bautista, Mark Bautista, gayundin ang iba pang performers na nagbigay-buhay sa mga awiting Pamasko.
Sa kanyang mensahe, inamin ng Pangulo na dahil sa dami ng trabaho at mga kailangang asikasuhin, hindi pa niya gaanong naiisip ang pagsisimula ng Christmas season. Gayunman, nabuhay ang kanyang diwa ng Pasko sa pamamagitan ng mga dekorasyon, Christmas tree at mga awiting Pamasko, na aniya’y nagpapaalala sa natatanging paraan ng mga Pilipino sa pagdiriwang ng Pasko, kasama ang pamilya, pagmamahalan at pagbibigayan.
Kasabay nito, inanunsyo rin ang mga nagwagi sa Isang Bituin, Isang Mithiin Year 5 National Parol-Making Competition na may temang Kabataang Pilipino: Tanglaw ng Pag-asa.
Sa 115 na parol na isinumite, 80 ang napili para sa Christmas tree display sa Palasyo. Nanguna ang Ramon Torres National High School sa Bago City na nag-uwi ng P1 milyon at mga gadgets, sinundan ng Parada National High School sa Bulacan, at Pedro V. Panaligan Memorial National High School sa Calapan City.
Nakiisa rin sa pagdiriwang si Kris at Bimby Aquino na nagbigay ng dagdag na kulay sa selebrasyon.