Photo courtesy of CAAP
Pansamantalang isinara ang main runway ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA matapos ma-disable dito ang isang Philippine Airlines aircraft kasunod ng emergency landing nito dahil sa hydraulic system problem ngayong araw, Nobyembre 29.
Ayon kay Eric Apolonio, tagapagsalita ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP, ang flight PR 2923, isang Airbus A320 na patungong Daraga, Albay, ay nakaranas ng hydraulic problem habang papalapit sa NAIA.
Kinumpirma naman ng Philippine Airlines na ligtas nang nakababa ang lahat ng pasaherong sakay nito.
Dahil sa insidente, pansamantalang isinara ang Runways 06/24 ng paliparan habang ang Runway 13 ang ginagamit sa operasyon ngayon ng mga eroplano.
Kaugnay nito, pitong flight na patungo sana sa NAIA ang na-divert sa Clark International Airport, kabilang ang PR891 at 5J313 mula Taipei, PR659 mula Dubai, PR1454 mula General Santos, 5J111 mula Hong Kong, SQ910 mula Singapore, at NH869 mula Tokyo.
Kanselado naman ang dalawang flight ng Philippine Airlines, ang PR 2823 mula Manila patungong Bicol at PR 2924 mula Bicol patungong Manila.
Patuloy naman ang koordinasyon ng CAAP, airport authorities at airline operators para sa ligtas na pag-alis ng aircraft sa runway at sa agarang pagbabalik sa normal na operasyon ng NAIA.