Inaasahang aabot sa 600 magsasaka sa Mangatarem, Pangasinan ang makikinabang sa pinahusay na Pacalat Communal Irrigation System (CIS).
Kasunod ito ng pormal na pag-turnover ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Engr. Eddie Guillen sa proyekto para mapataas ang produksyon at kabuhayan ng mga magsasaka sa lalawigan.
Sa pamamagitan ng pinahusay na sistema, inaasahang masasaklaw ng irigasyon ang kabuuang 600 ektarya ng lupang sakahan. Kabilang dito ang 420 ektaryang bagong service area, 120 ektaryang rehabilitated area, at 60 ektaryang restored area.
Ayon sa NIA, layon ng proyekto na matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng tubig sa mga sakahan, at makatulong sa pagsusulong ng food security sa bansa.

