Pinarangalan ng Korte Suprema si Chief Justice Alexander Gesmundo sa isang espesyal na En Banc Session kahapon, November 5, bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa hudikatura.
Pinangunahan ni Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen ang seremonya na dinaluhan ng lahat ng Associate Justices ng Kataas-taasang Hukuman.
Kabilang sa mga kinilalang nagawa ni Gesmundo ang pagpapatupad ng Strategic Plan for Judicial Innovations 2022 hanggang 2027, na naglalayong gawing mas moderno, mabilis, at madaling maabot ng publiko ang serbisyo ng mga korte.
Nagpasalamat naman si Gesmundo sa mga hukom, kawani ng hudikatura, at sambayanang Pilipino sa pagkakataong makapaglingkod.
Magtatapos ngayong araw ang panunungkulan ni Gesmundo bilang ika-27 Punong Mahistrado ng bansa matapos maabot ang mandatory retirement age na 70.


