Target silipin ng House Committee on Transportation ang posibilidad na dagdagan ang awtorisadong bilang ng mga motorcycle taxi rider batay sa aktuwal na datos ng ridership.
Ito ang inihayag ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan kasabay ng panawagan sa Department of Transportation (DOTr) na isaalang-alang ang kapakanan ng mga commuter at job security ng mga motorcycle taxi rider sa pagtatakda ng alokasyon ng mga rider sa bawat platform.
Ayon kay Yamsuan, mahalagang maprotektahan ang kabuhayan ng mga rider na naghahanapbuhay para sa kanilang pamilya, kasabay ng pagtiyak sa ligtas at maayos na biyahe ng mga pasahero.
Kasunod ito ng pagpapataw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mahigit ₱555 milyong multa sa motorcycle taxi platform na Move It dahil sa paglampas sa awtorisadong bilang ng rider-partners.
Iginiit naman ng mambabatas ang pangangailangang maipasa na ang Motorcycles-for-Hire Act upang magkaroon ng permanenteng batas na magtatakda ng malinaw na regulasyon at magtitiyak sa kaligtasan ng mga pasahero at kabuhayan ng mga rider.
Kabilang sa mga isinusulong na probisyon ang mahigpit na background check at pagsasanay sa mga rider, roadworthiness ng mga motorsiklo at pagkakaroon ng safety features sa mga application.