Nag-abiso ang pamunuan ng MRT-3 na nakararanas ngayon ng siksikan ng pasahero sa Cubao Station gayundin sa mga southbound station mula GMA-Kamuning.
Kasunod ito ng naranasang technical issue ng isang tren habang papaalis ito sa Quezon Avenue Station dakong alas-5:36 kaninang umaga.
Ayon sa MRT-3, naialis din agad ang nagkaaberyang tren at may 18 tren ngayon ang bumibyahe sa mainline.
Patuloy din umano ang pagpapatupad nito ng crowd management measures para matiyak ang kaligtasan ng mga commuter at maibsan ang pagsisikip sa mga istasyon.
Humingi naman ng paumanhin ang MRT-3 sa abalang idinulot nito sa mga pasahero at pinayuhan ang publiko na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe.