Ginawaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Region XI ang Radyo Pilipinas Davao ng Regional Media Impact Award bilang pagkilala sa mahalagang papel nito sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa mga programa, serbisyo at benepisyo ng PhilHealth sa publiko.
Matagal nang katuwang ng PhilHealth ang Radyo Pilipinas Davao sa paghahatid ng napapanahon at mahahalagang impormasyon upang higit na maunawaan ng mga mamamayan ang kanilang mga karapatan at benepisyo bilang mga miyembro ng ahensya.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni PhilHealth XI Regional Vice President Atty. Harvey Carcedo ang kahalagahan ng pagtutulungan at matibay na ugnayan ng mga katuwang na organisasyon.
Ayon kay Carcedo, ang pagkilalang Partners in Purpose: Strengthening Collaboration ay paalala na hindi makakamit ang pag-unlad kung walang kooperasyon at sama-samang pagkilos.
Patuloy namang isinusulong ng Radyo Pilipinas Davao ang pagbibigay ng tama, napapanahon at makabuluhang impormasyon sa publiko bilang bahagi ng tungkulin nitong maghatid ng serbisyong pang-impormasyon. | ulat ni Macel Dasalla | RP Davao


