Natapos na ng Department of Agriculture (DA) ang P30 milyong water impounding project sa Tabuk City, Kalinga Province.
Inaasahang makapagbibigay ito ng sapat na suplay ng tubig sa mga sakahan sa gitna ng banta ng El Niño.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.,ang Bulo-Magasusu Small Water Impounding Project sa Barangay Bulo ay magsisilbi sa 35 magsasaka na may 85 ektaryang sakahan.
Kabilang sa pasilidad ang 13-metrong dam at 1.75-kilometrong irrigation canal para sa patubig.
Sinabi pa ni Laurel, makatutulong ang proyekto upang mapanatili ang produksiyon ng mga pananim kahit kulang ang ulan at mabawasan ang gastos sa irigasyon.
Hinimok din ng kalihim ang mga benepisyaryo na pangalagaan ang pasilidad upang mapakinabangan ito sa mga susunod na taon.