Itinaas ng National Food Authority (NFA) sa P30 kada kilo ang buying price ng malinis at tuyong palay, kasabay ng pagpapalawak sa volume na maaaring ibenta ng bawat magsasaka.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, nasa 80% ng mga sangay nito sa buong bansa ang bumibili na ng palay sa halagang P30 kada kilo, habang P28 naman ang pinakamababang presyo.
Pinalitan na rin ng ahensya ang dating limitasyong 200 bags kada magsasaka, at itinaas ito sa hanggang 500 bags kada cropping season, depende sa lawak ng sakahan at karaniwang ani sa lalawigan.
Layunin ng hakbang na ito na mapataas ang kita ng mga magsasaka at mapalakas ang suplay ng bigas ng pamahalaan, lalo na sa posibleng banta ng very strong El Niño.
Target ng NFA na makabili ng 790 libong metric tons ng palay ngayong 2026 at gayundin sa susunod na taon, para sa rice reserves at mga programang ayuda ng gobyerno.