Naglaan ang pamahalaan ng ₱38.2 bilyon ngayong 2027 upang tulungan ang tuition ng may 2.3 milyong mahihirap na estudyanteng kailangang mag-aral sa mga pribadong mataas na paaralan dahil sa kawalan ng access o kakulangan ng silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa kanilang komunidad.
Ayon kay House Minority Leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan nitong Linggo, layunin ng pondo na suportahan ang mga mag-aaral mula sa mabababang antas ng pamumuhay upang maipagpatuloy ang kanilang edukasyon sa kabila ng krisis sa pananalapi ng pamilya at siksikan sa mga pampublikong paaralan.
Inihayag ni Libanan na kung walang ganitong tulong, marami sa mga estudyante ang posibleng huminto sa pag-aaral at mapilitang magtrabaho na lamang.
Batay sa 2027 National Expenditure Program (NEP), ang ₱38.2 bilyon na badyet para sa secondary education subsidies ay nahahati sa tatlong pangunahing programa: Bullet ₱12 bilyon para sa Junior High School Educational Service Contracting Program (JHSESC); ₱24 bilyon para sa Senior High School Voucher Program (SHSVP); at Bullet ₱2.2 bilyon para sa Joint Delivery Voucher Program (JDVP).
Tinukoy ng kinatawan ang datos mula sa Second Congressional Commission on Education na nagpapakitang ang problema sa pananalapi ang isa sa mga pangunahing dahilan ng paghinto ng mga estudyante sa Senior High School.
Noong school year 2024-2025, sa 2,041,601 na nag-enrol sa Grade 11, nasa 169,836 o 8.3 porsiyento ang hindi na nakapagpatuloy sa Grade 12.
Pinangangasiwaan ng Department of Education (DepEd) at Private Education Assistance Committee (PEAC) ang JHSESC at SHSVP, habang ang DepEd naman ang direktang namamahala sa JDVP para sa mga estudyanteng nakatutok sa Technical-Vocational-Livelihood track. | ulat ni Ma. Daisy Amor Lalosa-Belizar, RP Borongan
📸 HML Libanan
