Kinilala ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang Lungsod ng Taguig dahil sa patuloy nitong pagsuporta sa mga Overseas Filipino Workers o OFW at sa kanilang mga pamilya.
Tinanggap ng Office of the City Public Employment Service Manager o OPES at ng OFW Affairs Office ang parangal na “Kaagapay ng Bagong Bayani at Likas na Katuwang ng OWWA.”
Kinikilala sa nasabing parangal ang mga inisyatibo ng lungsod sa pagbibigay ng trabaho, oportunidad sa kabuhayan, at iba pang serbisyo para sa mga OFW at kanilang pamilya.
Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Lani Cayetano, patuloy na isinusulong ng lungsod sa pamamagitan ng OPES at OFW Affairs Office ang mga programang naglalayong tugunan ang pangangailangan ng mga Taguigeñong nagtatrabaho sa ibang bansa, kabilang ang mga pamilyang kanilang naiwan sa Pilipinas.
Layon ng mga programang ito na matiyak na may nakalaang tulong at oportunidad para sa mga OFW, lalo na sa mga nagbabalik-bayan at muling nagsisimula ng buhay sa Pilipinas.