Inaasahang magiging malaking tulong sa ekonomiya ng Pilipinas ang nalalapit na paglagda sa Free Trade Agreement (FTA) sa pagitan ng Pilipinas at Canada, ayon kay financial analyst Jonathan Ravelas.
Kasunod ito ng pagdalo ni Canadian Prime Minister Mark Carney sa ASEAN Summit, kung saan inaasahang maisusulong ang kasunduan na target na pataasin nang hanggang tatlong beses ang kalakalan ng dalawang bansa pagsapit ng 2035.
Ayon kay Ravelas, mahalaga ang pagkakaroon ng mga free trade agreement dahil mas lumalawak ang merkado para sa mga produktong Pilipino at mas maraming oportunidad ang nalilikha para sa mga lokal na exporter.
Ipinaliwanag niya na sa kasalukuyan, mas nagiging kaakit-akit sa mga dayuhang mamimili ang mga produktong gawang Pilipinas dahil sa paghina ng piso kontra dolyar. Dahil dito, mas mura para sa mga negosyanteng Canadian ang pag-angkat ng mga produktong Pilipino.
Gayunman, sinabi ni Ravelas na habang mahalaga ang pagpapalago ng exports, kailangan ding tugunan ang patuloy na paglaki ng import bill ng bansa. Aniya, mas nagiging magastos ang pag-angkat ng mga produkto dahil dolyar ang ginagamit sa pagbabayad ng mga imported na kalakal.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng tinatawag na “import substitution,” o ang pagpapalakas sa paggamit at pagtangkilik ng mga produktong lokal bilang kapalit ng inaangkat mula sa ibang bansa.
Kaugnay nito, pinuri ni Ravelas ang mga trade fair at promosyon ng Department of Trade and Industry (DTI) na layong ipakilala sa publiko ang mga produktong gawa ng mga Pilipino. Aniya, mahalagang makita at masubukan ng mga mamimili ang kalidad ng lokal na produkto upang mas piliin nila itong bilhin kaysa sa imported.
Isa sa kanyang ibinigay na halimbawa ang industriya ng bakal, kung saan may malalaking lokal na kumpanya na kayang tugunan ang pangangailangan ng merkado. Ayon kay Ravelas, kung mas maraming Pilipino ang gagamit ng lokal na bakal sa halip na imported, maaari itong makatipid ng humigit-kumulang dalawang bilyong dolyar sa gross international reserves ng bansa.
Dagdag pa niya, mahalagang magsimula ang pagbabago sa mismong mga mamimili. Aniya, kung mas maraming Pilipino ang tatangkilik sa sariling produkto, lalawak ang merkado ng mga lokal na negosyo at magkakaroon sila ng sapat na dahilan upang palakihin pa ang kanilang produksyon.
Para kay Ravelas, ang kombinasyon ng mas malawak na access sa pandaigdigang merkado sa pamamagitan ng Free Trade Agreement at mas matibay na suporta sa mga produktong lokal ang susi upang higit pang mapalakas ang ekonomiya ng Pilipinas sa mga susunod na taon.