Hindi dapat ikabahala sa ngayon ng publiko ang pagbaba ng Gross International Reserves (GIR) ng bansa, ayon sa financial analyst na si Jonathan Ravelas.
Ito ay matapos bumaba sa 98 bilyong dolyar ang dollar reserves ng Pilipinas mula sa dating 113 bilyong dolyar, bagay na inaming mahigpit na binabantayan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa panayam sa programang Diskarteng Wais ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Ravelas na bagama’t kapansin-pansin ang mas mabilis na pagbaba ng reserves, pangunahing dahilan nito ang patuloy na pag-angkat ng bansa ng pagkain, langis, at iba pang gastusin sa transportasyon o tinatawag na “food, fuel, and freight.”
Ayon kay Ravelas, nananatiling ligtas ang kasalukuyang antas ng reserves dahil kaya pa nitong tustusan ang mahigit anim na buwang halaga ng mga inaangkat na produkto ng bansa. Higit na mataas ito sa international standard na tatlong buwan.
Dagdag pa niya, sapat din ang GIR para bayaran ang mga panandaliang obligasyon at utang panlabas ng Pilipinas.
Aminado si Ravelas na maaaring nagdulot ng pangamba ang sunod-sunod na mga usaping pang-ekonomiya tulad ng pagtaas ng utang, inflation, at paghina ng economic growth. Ngunit nilinaw niyang hindi pa indikasyon ng krisis ang kasalukuyang antas ng foreign reserves.
Para kay Ravelas, may dahilan ang BSP upang bantayan ang sitwasyon, ngunit wala pa umanong dahilan para mabahala o mag-panic ang publiko sa pagbaba ng dollar reserves ng bansa.