Tinatayang aabot sa kabuuang 119 Overseas Filipino Workers o OFWs at tatlong dependent ang ligtas na nakabalik sa Pilipinas sa pamamagitan ng repatriation efforts ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW).
Noong gabi ng Nobyembre 27, dumating sa bansa ang 70 OFWs sakay ng Qatar Airways Flight QR928 sa ilalim ng repatriation assistance ng OWWA.
Sinalubong at inalalayan sila ng mga kawani mula sa OWWA Regional Welfare Offices IV-A, III at National Capital Region, katuwang ang MIAA Medical Team.
Samantala, umaga nitong Nobyembre 28, dumating naman ang 49 OFWs at tatlong dependent sakay ng Qatar Airways Flight QR934 sa tulong ng DMW.
Bahagi ang nasabing repatriation efforts ng UPLIFT Program ng pamahalaan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na layong tiyakin ang kaligtasan, proteksyon at kapakanan ng mga OFW, gayundin ang suporta sa kanilang muling pagbangon at pagharap sa panibagong yugto ng buhay sa Pilipinas.