Pormal nang binuksan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region VI ang Seafarers’ Welfare Center sa Angeles Arcade, Mabini Street, Iloilo City Proper upang ilapit pa ang mga serbisyo sa mga Filipino seafarers at kanilang pamilya sa Western Visayas.
Ngayong Biyernes, November 27, binisita at pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., kasama si OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Canuan at DWM Secretary Hans Leo Cacdac ang inagurasyon ng center. Inaasahan na sa pagbukas ng bagong pasilidad ay hindi na kailangang bumiyahe pa sa Metro Manila ang mga marino mula Visayas para sa ilang transaksyon at serbisyo.
Samantala, maliban sa government services, magagamit rin sa center ang Zumba room, gym at massage facilities. Ang Iloilo na ang ikatlong lugar sa bansa na nagkaroon ng Seafarers’ Welfare Center, kasunod ng Parañaque at Davao.
Itinayo ito alinsunod sa Magna Carta of Filipino Seafarers na dapat mayroong welfare facilities sa mga major crew-change ports.
Batay sa paunang datos ng OWWA, mayroong mahigit 65,000 seafarers mula Western Visayas na na-deploy noong 2025. Umabot naman sa halos 68,000 ang sea-based OWWA members sa rehiyon, kung saan mahigit 39,000 sa kanila ang aktibo na miyembro, as of November 24.