Ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Meralco na i-refund ang halos 2 bilyong piso sa mga customer nito simula sa darating na billing ngayong Disyembre hanggang sa maibalik ang kabuoang halaga.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay ERC Chairperson at CEO, Atty. Francis Saturnino C. Juan, sinabi nito na ipinalabas agad nila ang kautusan matapos lumabas sa kanilang pag-aaral na mayroong mga iregularidad sa paniningil at paggastos ng Meralco sa mga nagdaang taon.
Aniya, ang nasabing evaluation ay base sa naging kautusan ng Korte Suprema sa ERC na siyasatin kung tugma ang aktuwal na nasingil ng Meralco katumbas ng benepisyo at pensyon ng kanilang mga empleyado sa parehong antas na inaprubahan ng komisyon.
Ayon pa kay Atty. Juan, tinatayang aabot sa P0.15 kada kWh ang magiging average rate refund kapag ipinatupad na ito.
Ngunit iba-iba aniya ang refund rate implementation ng Meralco depende sa customer class kaya ang iba ay maaaring umabot sa P0.26 kada kWh ang tiyak na mararamdaman ng mga customer na pagbaba sa kanilang babayaran.