Nilinaw ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) na wala pa sa estado ng stagflation ang Pilipinas dahil mayroon pa ring paglago sa ekonomiya.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay DEPDev Usec. Rosemarie Edillon, inihayag nito na masasabi lamang na nasa stagflation ang isang estado kung mataas ang inflation at hindi na gumagalaw ang ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Usec. Edillon, bagama’t tumaas ang inflation nitong mga nakalipas na buwan, sa kasalukuyan naman ay unti-unti nang bumababa ang inflation sa pagkain.
Gumagawa rin ang pamahalaan ng mga hakbang upang hindi maging stagflation ang sitwasyon sa Pilipinas – bagay na lubhang naapektuhan ng kaguluhan sa Gitnang Silangan dulot ng pagtaas ng mga produktong petrolyo.
Aniya, isinasaayos na ang government expenditure para makatulong na magkaroon ng trabaho ang mga manggagawang nawalan ng mga hanapbuhay.
Sinabi rin ng opisyal na isa sa nagpabagal sa paglago ng ekonomiya ay ang pagtaas ng unemployment rate sa bansa kaya ang pagbubukas ng mga trabaho lalo na sa mga laborer ay magpapaangat sa ekonomiya.