Nasamsam ng mga awtoridad ang aabot sa ₱1.18 milyong halaga ng pinaniniwalaang shabu ang habang arestado naman ang pitong indibidwal sa magkakahiwalay na anti-drug operation sa Western Visayas sa loob lamang ng 24-oras.
Batay sa ulat ng Police Regional Office 6 (PRO6), naitala ang pitong matagumpay na operasyon mula alas-6:00 ng umaga noong November 7 hanggang alas-5:59 ng umaga ngayong November 8, 2026.
Kabuuang 173.62 gramo ng suspected shabu na may Standard Drug Price (SDP) na ₱1,180,616 ang nasabat mula sa mga nahuling suspek.
Ayon kay PRO-6 Regional Director, Police Brig. Gen Randulf Tuaño, higit sa pagsamsam ng iligal na droga, ang pangunahing layunin ng kanilang kampanya ay ang protektahan ang mga komunidad, lalo na ang kabataan.
“Bawat dami ng iligal na droga na naiaalis natin sa kalsada ay isang pagkakataon upang maiwasan ang mas malaking pinsala. Subalit hindi natin kayang umasa sa operasyon ng pulisya lamang. Kailangan natin ang tulong ng mga pamilya, komunidad, at mga lokal na pinuno upang mailayo ang ating mga kabataan sa problemang ito at gawing mas ligtas ang ating mga pamayanan,” pahayag ni PBGen Tuaño.
Hinimok din niya ang publiko na agad ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kaduda-dudang aktibidad na may kaugnayan sa droga, at iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon o ang paglalagay ng batas sa sariling mga kamay.
Ang naturang tagumpay ay bahagi ng patuloy na kompromiso ng PRO6 sa “Responsive, Trusted, and Transformative Policing for a Safer Western Visayas,” na nakatutok sa PNP Focused Agenda at sa pananaw na Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr.
