Target ng Department of Education (DepEd) na makapagtayo ng hydroponics greenhouse ng nasa 700 Paaralan sa bansa na layuning maituro sa mga mag-aaral ang makabagong teknolohiya sa pagsasaka.
Gumagamit ang hydroponics ng tubig na may sustansya upang mapalago ang mga halaman nang hindi nangangailangan ng lupa.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nakatitipid ng 90% ng tubig ang hydroponics kumpara sa tradisyunal na pagsasaka na mahalagang estratehiya sa pagharap sa epekto ng El Niño.
Kahapon, pormal na inilunsad ni First Lady Liza Araneta-Marcos at Secretary Angara ang “AGRI TAYO, LAB FOR ALL” kasama ang Philippine Reclamation Authority (PRA) sa Parañaque National High School at Las Piñas National High School.
Sa unang yugto, 200 paaralan muna ang bibigyan ng mga greenhouse bago palawakin ang programa sa kabuuang 700 yunit.
Binigyang-diin pa ng kalihim na bahagi ito ng pagpapalakas sa Gulayan sa Paaralan Program ng Department of Education (DepEd), lalo na sa harap ng mga hamon sa seguridad sa pagkain at pagbabago ng klima.
Isasama rin sa mga pakinabang ng proyekto ang pagsasanay sa Agri-Fishery Arts at agro-entrepreneurship para sa mga mag-aaral sa senior high school, upang malinang ang kanilang mga kasanayang teknikal at pang-hanapbuhay.
Saklaw ng paunang yugto ang mga paaralan sa Metro Manila at mga lalawigan ng Cavite, Cagayan, Pangasinan, Pampanga, at Masbate na makatatanggap ng tig-isang hydroponics greenhouse facility.


