Muling pinagana ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bicol ang Lakbay Alalay Program para sa Undas 2026 upang magbigay ng agarang tulong sa mga motorista sa mga pambansang lansangan sa rehiyon.
Ayon sa DPWH Bicol, maglalagay ang ahensya ng 25 Motorist Assistance Centers (MACs), na binubuo ng mga permanenteng sentro at karaniwang blue tent, mula ngayong araw, Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2 upang madaling mapuntahan ng mga biyahero.
Magpapakalat din ang DPWH-Bicol ng mga kagamitan at maglalagay ng skeletal workforce na nakaantabay sa mga national road upang tumulong sa mga motorista na makararanas ng aberya sa sasakyan at iba pang emergency sa kalsada.
Ayon kay DPWH Bicol Regional Director Khadaffy D. Tanggol, prayoridad ng programa ang kaligtasan ng mga biyahero.
Makikipag-ugnayan din aniya sila sa LTO, PNP, mga lokal na pamahalaan at iba pang kinauukulang ahensya para sa pamamahala ng trapiko at pagtugon sa mga insidente sa lansangan.