Tiniyak ng Department of Agriculture sa publiko na nananatiling sapat ang suplay ng pagkain sa buong bansa sa kabila ng paghina ng piso kontra dolyar.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa, may sapat na imbak ang bansa ng mga pangunahing bilihin o staple food hanggang sa pagtatapos ng taon, na kapwa sinusuportahan ng lokal na produksyon at mga imported na produkto.
Ayon sa opisyal, totoo ang sinasabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi kailangang mag-panic dahil sapat ang suplay ng pagkain para sa lahat.
“Again, we want to reiterate and reflect the position ng ating Pangulo na sa sektor ng agrikultura, hindi tayo magpa-panic kasi mayroon tayong sapat na pagkain para sa lahat,” pahayag ni De Mesa, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr.
Kinatigan din ni De Mesa ang pahayag ng Pangulo na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng pamamaraan upang salagin ang epekto ng paghina ng piso kontra dolyar.