Tinanggal sa serbisyo ng Korte Suprema si Rose Ann R. Marzonia, Clerk II ng Municipal Trial Court sa Romblon, Romblon, matapos mapatunayang nagkasala ng serious dishonesty at gross misconduct.
Batay sa imbestigasyon ng Office of the Court Administrator o OCA, natuklasan sa audit mula Pebrero 2008 hanggang Marso 2023 ang kakulangan sa iba’t ibang pondo ng korte.
Paulit-ulit umanong nag-withdraw si Marzonia ng pera nang walang pahintulot, hindi nagdeposito ng mga nakolektang bayad, pinakialaman ang mga passbook at pineke ang mga lagda ng presiding judge at kaniyang superbisor sa mga dokumento para sa pag-withdraw.
Bukod sa pagkakatanggal sa serbisyo, pinagkaitan din siya ng mga benepisyo at diskuwalipikadong muling maitalaga sa anumang tanggapan ng pamahalaan.
Samantala, sinuspinde naman nang walong buwan, nang walang suweldo at benepisyo, si Wina Cometa, Clerk of Court II ng nasabing korte, dahil sa gross neglect of duty o matinding kapabayaan sa tungkulin.
Aabot sa halos ₱600,000 ang nawawalang pondo na kailangang bayaran ng dalawang empleyado.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na isang tiwala ng publiko ang paglilingkod sa pamahalaan at hindi nito kukunsintihin ang anumang gawaing sumisira sa integridad ng hudikatura at tiwala ng mamamayan sa sistema ng hustisya.