Ipinagmalaki ng Department of Education (DepEd) ang Lungsod ng Baliwag sa Bulacan at Marikina City bilang modelo sa pagpapabilis at pagpapalawak ng pasilidad para sa mga mag-aaral sa pampublikong paaralan.
Ito’y ayon sa DepEd ay sa pamamagitan ng programang “Classroom Leasing” o pag-upa sa mga bakanteng pasilidad ng mga pribadong paaralan.
Layunin nitong maiwasan ang pagkaantala sa pagpapatayo ng mga gusali at magbigay ng mabilis na kaginhawaan sa mga pampublikong paaralang may overcrowding.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nagsisilbing mabilis at mabisang solusyon ang pag-upa kasabay ng mga tradisyunal na proyekto sa pagpapatayo ng gusali upang matugunan ang agarang pangangailangan sa mga silid-aralan.
Bahagi ang inisyatibong ito ng mas malawak at pangkalahatang estratehiya sa imprastraktura ng DepEd.
Katuwang ng DepEd sa pagpapatayo ng mga silid-aralan ang Department of Public Works and Highways (DPWH), mga Local Government Unit (LGU), Public-Private Partnerships, DepEd Learning Continuity Spaces (LCS).
Gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga organisasyon mula sa gobyerno at pribadong sektor.