Screenshot
Nanawagan si Senator Mark Villar ng mas matatag na repormang pang-ekonomiya, mas maayos na imprastraktura at mas competitive environment para sa pagnenegosyo para mapakinabangan ng Pilipinas ang paglago ng ekonomiya ng ASEAN.
Kasunod ito ng pagtataas sa growth forecast ng rehiyon sa 4.7 percent para sa 2026.
Ayon kay Senator Mark, dapat mapalakas ang mga industriyang gaya ng turismo, manufacturing, business process outsourcing (BPO) at knowledge process outsourcing (KPO) para makahikayat ng pamumuhunan at makalikha ng mas maraming trabaho para sa mga pilipino.
Binigyang-diin din ng senador ang kahalagahan ng training at upskilling ng mga manggagawa sa BPO at KPO sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence (AI) at ang mas malawak na access ng maliliit na negosyo sa pondo, teknolohiya at merkado.
Itinulak din ni Villar ang mas malalim na digital integration sa ASEAN sa pamamagitan ng Digital Economy Framework Agreement, na inaasahang magpapalawak ng oportunidad sa digital trade, electronic payments at cross-border transactions.
Hinimok din niya ang pagpapalawak ng mga trading partner ng bansa sa pamamagitan ng ASEAN-Canada Free Trade Agreement para hindi lang umasa ang Pilipinas sa iilang merkado.
Para naman makahikayat ng foreign investments, iginiit ng senador ang pangangailangan ng mas mabilis na pagkuha ng permits, pagpapasimple ng transaksiyon sa gobyerno at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga repormang pang-ekonomiya.
Binigyang-diin din niya ang agarang pagkumpleto sa mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura, kabilang ang Metro Manila Subway at North-South Commuter Railway, para mapabuti ang koneksyoon ng mga rehiyon at mapababa ang gastos sa logistics.
Kasabay nito, hinimok ni Villar ang maagang paghahanda sa posibleng epekto ng malakas na El Niño, partikular sa produksyon ng pagkain, suplay ng enerhiya at seguridad sa tubig. | ulat ni Nimfa Asuncion