Mahigit 1,300 reklamo ang natanggap ng Movie and Television Review and Classification Board kaugnay ng mga nagdaang episode ng Pinoy Big Brother Collab 3.0, hanggang nitong Huwebes, November 19.
Kabilang sa mga hinaing ng mga manonood ang umano’y bullying, diskriminasyon, selective editing at objectification of women sa naturang programa.
Kinumpirma ito ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto, na nagsabing patuloy pang nadaragdagan ang bilang ng mga reklamong natatanggap ng ahensya.
Ayon kay Sotto, ilan lamang sa mga programa sa telebisyon ang nakapagtala ng ganito karaming reklamo at komento sa loob ng nakalipas na mga araw.
Pinasalamatan din niya ang mga magulang na nagpadala ng kanilang mga hinaing at puna sa ahensya kaugnay ng nilalaman ng programa.
Samantala, pinuri ni Sotto ang ABS-CBN sa kahandaang makipagpulong sa MTRCB at sa pangakong isulong ang responsableng self-regulation.
Hinimok din niya ang ABS-CBN at PBB team na isaalang-alang ang mga manonood sa kanilang mga susunod na programa. | ulat ni Rey Ferrer