Umaasa sina Senate President Pro Tempore Vicente Sotto III at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na magbubunga ng mas matatag na economic at social partnerships gayundin ng mas maraming oportunidad para sa Pilipinas, ang matagumpay na pagho-host ng bansa ng ASEAN Summit at pagbisita ni United States (US) President Donald Trump.
Ayon kay Sotto, inaasahang mapalalakas ang mga ugnayan at pakikipagtulungan ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa at maaari ring makahanap ng solusyon sa usapin sa West Philippine Sea sa tulong ng iba pang mga bansa.
Para naman kay Zubiri, pinatibay ng ASEAN Summit ang ugnayan ng mga bansa sa rehiyon, lalo na sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan at digital economic integration.
Mahalaga rin aniya ang pagbisita ni Trump sa ating bansa bilang unang destinasyon sa kanyang Asian tour dahil nagpapakita ito ng lumalaking strategic at economic importance ng Pilipinas sa Estados Unidos at sa Indo-Pacific region.
Umaasa rin ang majority leader na magbubukas ang mas pinaigting na ugnayan natin psa Estados Unidos ng mas maraming pagkakataon para sa kooperasyon sa depensa, kalakalan, pamumuhunan at enerhiya.
Gayunman, iginiit ng senador na dapat masukat ang tagumpay ng ASEAN Summit sa konkretong pakinabang para sa mga Pilipino, gaya ng mas maraming trabaho, oportunidad sa negosyo at mas ligtas na karagatan para sa mga mangingisda.
Hinimok din niya ang pamahalaan na ipagpatuloy ang mga napagkasunduan at napalakas na partnership sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN, habang patuloy na ipinagtatanggol ang soberanya at karapatan ng bansa sa karagatan. | ulat ni Nimfa Asuncion