Magpapatuloy ngayong Huwebes ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kung saan inaasahang ihaharap ng depensa ang isang dating financial investigator ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Nakatakdang tumestigo si Atty. Rainer Dela Fuente, isang abogado at accountant na dating nagtrabaho sa Compliance and Investigation Group ng AMLC Secretariat at kasalukuyang namumuno sa AML Consulting PH.
Inaasahang tatalakayin ni Dela Fuente ang mga konsepto sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act.
Ayon kay Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, batay sa inilatag na plano ng depensa, tatlo pang testigo ang maaari ring iharap ngayong linggo.
Kabilang sa mga nakalinyang iharap si Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary at Board of Investments Managing Head Ceferino Rodolfo.
Nakatakda ring tumestigo si Food and Drug Administration (FDA) Director Pilar Marilyn Pagayunan.
Kasama rin sa mga pwedeng iharap ng depensa si Rowena Mendoza ng Center for International Expositions and Missions (CITEM) o kaya ay ibang kinatawan ng ahensya. | ulat ni Nimfa Asuncion