Paiigtingin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagpapatupad ng Anti-Drunk and Drugged Driving Act sa Metro Manila. Ito ay sa harap ng inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong Undas at sa nalalapit na kapaskuhan.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge PBGen Christopher Abrahano, inatasan na ang mga yunit ng pulisya na higpitan ang pagbabantay sa mga motoristang nagmamaneho nang lasing o lango sa droga, lalo na sa mga pangunahing kalsada, accident-prone areas, at mga sementeryo.
Layon aniya ng nasabing hakbang na matiyak na ligtas na makakabiyahe ang bawat pamilya at makakauwi sa kanilang mahal sa buhay.
Sa ilalim ng batas, maaaring isailalim sa breath analyzer test ang mga motoristang pinaghihinalaang lasing, habang isasailalim naman sa drug test ang mga drayber na sangkot sa aksidenteng may nasawi o nasugatan.
Kasabay nito, nakatakda nang ipatupad ng Land Transportation Office simula November 15 ang pagbawi sa lisensya ng mga drayber na mapatutunayang lumabag sa batas.