Nakahanda na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa inaasahang pagdagsa ng publiko sa mga sementeryo at terminal sa Undas 2026.
Mahigit 13,000 pulis ang ipakakalat sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Simula ngayong araw hanggang November 3, naka-full alert status ang NCRPO, kasabay ng buong Philippine National Police, para matiyak ang kaayusan at seguridad.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge PBGen Christopher Abrahano, nakaposisyon na ang mga pulis sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng publiko.
“Nakahanda na sila doon sa ating mga sementeryo. Yun pong kakalsadahan binabantayan natin and transportation hubs. Apart from our regular crime prevention efforts yung mga bahay babantayan natin,” ani Abrahano.
Inatasan na rin ang mga district director, chief of police, at station commander na paigtingin ang pagpapatrolya sa mga sementeryo, memorial park, transportation hub, at matataong lugar.
Maglalagay rin ng mga police assistance desk at help booth para tumulong sa publiko.
Pinaalalahanan naman ang publiko na bantayan ang kanilang mga gamit at ang mga kasamang bata, at agad ipagbigay-alam sa pinakamalapit na pulis ang anumang kahina-hinalang tao o bagay.