Inutos ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang pagbuo ng contingency plan sa lahat ng piitan sa bansa bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng El Niño.
Sa ilalim ng direktiba, dapat tiyakin ng mga prison superintendent ang tuloy-tuloy na serbisyo, sapat na supply ng pagkain at tubig, maayos na bentilasyon, at medikal na pangangalaga para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) at mga tauhan ng BuCor sa kabila ng banta ng matinding tagtuyot at kakulangan sa tubig.
Inatasan din ang mga pasilidad na tutukan ang mga vulnerable o madaling magkasakit na PDLs at empleyado laban sa mga heat-related illness.
Binigyang-diin ni Catapang na mahalaga ang kahandaan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa loob ng mga kulungan habang may El Niño.
May deadline ang mga piitan na isumite ang kanilang contingency plan hanggang sa Nobyembre 2.